Bilang Medical Director, responsibilidad ni Dr. Bimbo na pangasiwaan ang ospital at masigurong naibibigay nito ang tamang serbisyong medikal sa mga pasyente at mga taong lumalapit dito para magpagamot.

Si Dr. Bimbo T. Almonte ang siyang tumatayong Medical Director ng Rio Tuba Nickel (RTN) Hospital, isang pribadong ospital sa Barangay Rio Tuba, Bataraza, Palawan na itinayo at pinangangasiwaan ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC).

Bilang Medical Director, responsibilidad ni Dr. Bimbo na pangasiwaan ang ospital at masigurong naibibigay nito ang tamang serbisyong medikal sa mga pasyente at mga taong lumalapit dito para magpagamot.

Bago pa man maging isang magaling na manggagamot, ay mahabang panahon din ang ginuguol ni Dr. Bimbo sa

pag-aaral at pagsasanay na nagbigay sa kanya ng matibay na pundasyon sa kanyang propesyon. Isa si Dr. Bimbo sa mga nabiyayaan ng tulong ng RTNMC sa mga komunidad.

Dahil hindi naman nakakariwasa sa buhay, umasa si Dr. Bimbo sa tulong na ibinibigay ng RTNMC noong siya pa ay nag-aaral. Hinubog at tinulungan siya ng RTNMC para makamit ang kanyang mga pangarap sa buhay.

“Kinder pa lang ako ay tinutulungan na ng RTNMC ang aming pamilya. Hindi ko maikakaila ang malaking epekto sa buhay ko at ng aking pamilya ang kumpanya na umagapay rin sa akin noong nag-aaral pa ako,” ayon kay Doc Bimbo.

Si Doc Bimbo ay produkto rin ng Leonides S. Virata Memorial School (LSVMS), isang paaralang itinayo at pinu-pondohan ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC).

“Proud akong sabihing isang akong patunay na produkto ng LSVMS, patunay din ito kung gaano kagagaling ang aming mga guro sa LSVMS,” ayon sa kanya.

Ang LSVMS ay bukas para sa mga anak ng mga empleyado ng RTNMC at Coral Bay Nickel Corporation (CBNC) maging sa mga batang kabilang sa komunidad sa Rio Tuba na ang mga magulang ay hindi empleyado ng dalawang mining company.

Hindi lamang pang-akademiko ang pagsasanay sa LSVMS kundi hinuhubog din nito ang mga estudyante para maging isang mabuting mamamayan.

KASAYSAYAN NG LSVMS

Nang simulan ng RTNMC ang kanilang operasyon noong 1977, isa sa mga usapin noon ay kung paano ang pag-aaral ng mga anak ng kanilang mga empleyado.

Upang masolusyunan ang nasabing problema, pumasok ang RTNMC sa isang joint agreement sa dating Ministry of Education noong school year 1978-1979.

Bilang resulta ng kasunduan, nagpatayo ang RTNMC sa compound nito ng isang modernong school building na kinabibilangan ng 10 silid-aralan at iba pang pasilidad para sa operasyon ng isang public elementary school. Ang paaralang ito na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Ministry of Education ay pinangalanang Leonides S. Virata Memorial Elementary School (LSVMES).

Nang sumunod na school year, itinayo rin ang Rio Tuba Barangay High School sa tulong ng RTNMC.

Noong 1985, may mga planong isapribado ang LSVMES. Kung kaya’t noong shool year 1986-1987, naging pribadong paaralan ang LSVMES sa ekslusibong pangangasiwa ng RTNFI.

Ang LSVMES noon ay mayroong 647 estudyante, 30 guro, 13 silid aralan, isang library, home economics building, industrial arts building, kindergarten building na may dalawang silid-aralan, playground at faculty room.

Noong Enero 15, 1988, isang resolusyon ang pinagtibay sa isang special meeting ng Board of Trustees ng RTNFI na nagbabago sa pangalan ng eskuwelahan para maging Leonides S. Virata Memorial School (LSVMS).

Kasunod nito ang pagkakaloob ng government recognition permits para sa mga programang Pre-Elementary Course with No. K-013 s. 1989; Elementary Course with No. E-008 s. 1989; at Complete General Secondary Course with No. 003 s. 1989.

Sa pagnanais nitong mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon ng LSVMS, lumagda ang pamunuan ng RTNMC sa isang Memorandum of Agreement sa University of La Salle (USLS) sa Bacolod City, upang isailalim ang LSVMS sa superbisyon nito.

Noong 1990, ang LSVMS ay naging La Salle Supervised School at naging Catholic Institution noong 1993.

PAGTANAW NG UTANG NA LOOB

Ayon kay Doc Bimbo malaki ang kanyang utang na loob at maging ng kanyang pamilya sa RTNMC dahil sa pagbibigay sa kanya ng libre subalit de kalidad na edukasyon sa LSVMS. Ang LSVMS anya ang humubog sa kanya para maging isang responsableng mamamayan.

Idinagdag pa ni Doc Bimbo na pangkaraniwang estudyante lamang siya noon, kuntento na siya sa kung ano ang mayroon siya basta’t nagampanan niya ang kanyang responsibilidad bilang isang mag aaral.

Katuwang ng kanyang mga magulang sa pag aaral ang RTNMC na nagsilbing rason para mas lalo siyang magpursigi.

“Gusto kong maging isang doktor upang makatulong ako at maibalik ang utang na loob sa mga tumulong at nag-paaral sa akin,” ayon sa kanya.

Bilang pagtanaw sa kanyang utang na loob sa RTNMC, nanilbihan si Doc Bimbo sa RTN Hospital upang mapaglingkuran hindi lamang ang kompanya kundi maging ang mamamayan ng Rio Tuba.

“Sa totoo lang hindi sumagi sa isip ko ang mag-trabaho sa ibang bansa, basta ang nasa isip ko lang ay makatulong sa tao at sa lugar at kumpanya na tumulong din sa akin noong ako’y nangangailangan,” ayon sa kanya.

Isa lamang itong pagpapatunay na ang pagtanaw ng utang loob ay isang ugali nating mga Pilipino na hindi natin maiaalis sa ating pagkatao.

Dahil sa patuloy na suportang ibinibigay ng RTNMC, marami na ring batang nakapagtapos sa LSVMS, nabigyan ng de-kalidad na edukasyon at natupad ang kanilang mga pangarap sa buhay.

“Kung wala ang RTNMC malamang hindi ako doctor ngayon, maraming maraming salamat RTNMC ,” ayon pa kay Doc Bimbo.

Share this article