Bagaman at hindi pa nagpapatuloy ang operasyon ng Hinatuan Mining Corporation (HMC) sa isla ng Manicani sa Guiuan, Eastern Samar, nagsimula na ang kompanya sa pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan.
Bagaman at hindi pa nagpapatuloy ang operasyon ng Hinatuan Mining Corporation (HMC) sa isla ng Manicani sa Guiuan, Eastern Samar, nagsimula na ang kompanya sa pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan.
Tuloy-tuloy ang slope stabilization sa Manicani ng mga inhenyero ng HMC upang mapigilan ang anumang banta ng landslide o pagguho ng lupa sa isla.
Bilang bahagi ng slope stabilization, nagtanim ang mga tauhan ng HMC ng binhi ng niyog malapit sa lugar habang ang ilalim na bahagi ng sementadong lugar ay tataniman naman ng mga gulay.
Ayon kay Manolito Javar ng MPM-HMC Manicani Nickel Project, inihahanda na rin nila ang trellis para sa gapangan ng mga pananim.
Ang hakbanging ito ng HMC ay makakatulong ng malaki upang masigurong walang mangyayaring landslide sa isla na kadalasang pinangangambahan ng nakararami.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pagtanggal ng HMC ng mga stockpiles ng nickel ore sa isla upang tuluyang maging ligtas ang mga residente sa dalang panganib nito.
Matatandaang sa panahon ng panunungkulan ni Environment Secretary Heherson Alvarez, natigil ang mining operations ng HMC at ang mga naminang nickel ore ay matagal-tagal ring nakatiwangwang sa isla.
Tuwing tag-ulan, hindi maiiwasang anurin ng tubig ang katas ng stockpiles na nagdudulot ng panganib hindi lamang sa kalusugan at kaligtasan ng komunidad kundi maging sa kapaligiran.
Nang dahil sa masamang epekto ng nickel stockpiles, pinayagan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB-Region VIII) ang HMC na alisin na ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Ore Transport Permit (OTP).
Ito na ang nakikitang mabisang solusyon ng MGB at maging ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maiwasan ang panganib na dulot ng nickel stockpiles.
Subalit, ang hakbanging ito ng MGB at ng DENR ay pinalalabas na mga anti-mining group na hudyat na rin ito ng muling pagsisimula ng operasyon ng HMC sa isla ng Manicani.
Nanindigan ang pamunuan ng HMC at ang Nickel Asia Corporation (NAC) na ang pagtanggal ng ore ay hindi pa hudyat ng panunumbalik ng kanilang operasyon sa isla.
Ang pagtanggal ng nickel stockpiles ay sinuportahan ng nakararaming residente ng Manicani dahil hindi lamang ito nagtatanggal sa panganib na dulot nito kundi nagbibigay rin ito ng kabuhayan sa mga residente.