BATARAZA, PALAWAN - Bilang pagpapakita ng suporta sa Bataraza Frontliners sa gitna ng kinakaharap na banta ng epidemya ng COVID-19, ilang empleyado ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC) ang nagbigay sa kanila ng personal na tulong.
Ito ayon kay Venice Guian, coordinator ng nasabing inisyatibo, ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng food packs, relief goods at face masks sa mga Frontliner ng Bataraza.
Bahagi rin aniya ito ng Personal Social Responsibility (PSR) initiatives ng mga empleyado ng RTNMC.
Ipinaliwanag ni Guian na nakita nilang mahirap ang sitwasyon ng ilang frontliners sa malalayong Barangay ng Bataraza kaya naisipan nilang magpaabot ng personal na tulong.
“Minsan nagkaroon ng relief operation ang RTNMC sa mga far-flung Barangays sa Bayan ng Bataraza at nakita namin na sobrang hirap ng kanilang kalagayan. Halos walang face masks at may kakulangan sa pang araw-araw na konsumo sa mga check points,” ayon kay Guian.
Sinabi naman ni Julia Rosario, isang empleyado ng RTNMC na “masaya kami na nakakatulong sa ating mga kababayan lalo na sa mga bayaning frontliners. Ito na lang ang magagawa namin upang maipakita ang malasakit at suporta sa panahon ng krisis.”
Ipinagsama-sama ng ilang empleyado ang kanilang tulong mula sa mga donasyong relief goods, itlog, alcohol, face masks, prutas at meryenda.
Personal rin nilang inaabot ang tulong at bumiyahe sa mga pinakamalalayong Barangay sa bayan ng Bataraza - Barangay Buliluyan, Tabud, Tagnato at Buliluyan.
Ayon kay Buliuyan Captain Khaizar Abdulkarim, lubos ang kanilang pasasalamat sa mga empleyado ng RTN sa ipinaabot na tulong sa gitna ng kinakaharap na pagsubok.
“Taos-puso ang aming pasasalamat sa mga volunteer na nagpaabot ng personal na tulong. Salamat din sa RTN dahil lagi silang nandyan sa lahat ng oras, malaking tulong din ang kanilang SDMP dahil ito ay nagamit din namin sa pagbili ng bigas para sa Buliluyan,” ayon kay Abdulkarim.
Sa ngayon, nanatili pa ring COVID-19 free ang Bayan ng Bataraza ngayong pumasok na ito sa General Community Quarantine (GCQ), bunsod na rin sa pagsusumikap ng lokal na pamahalaan.