Mapapabilis na ang pagsusuri sa iba’t ibang uri ng sakit kabilang na rito ang COVID-19 virus sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Mapapabilis na ang pagsusuri sa iba’t ibang uri ng sakit kabilang na rito ang COVID-19 virus sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Ito ay matapos pasinayaan ng Philippine Red Cross ang kauna-unahang Molecular Test Laboratory (MTL) na nagkakahalaga ng P18 milyon sa Surigao City.
Ang MTL ay pinondohan ng Taganito HPAL Nickel Corporation (THPAL) at ng operating companies ng Nickel Asia Corporation (NAC) na kinabibilangan ng Taganito Mining Corp. (TMC) na nakabase sa Claver at Cagdianao Mining Corp. (CMC) na nakabase naman sa Dinagat Islands sa pamamagitan ng kanilang Corporate Social Responsibility project.
Mismong si Senador Richard Gordon, na siyang chairman ng Red Cross, ang nanguna sa pagpapasinaya sa MTL katuwang ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ng mining companies.
Sa isinagawang pagpapasinaya, pinasalamatan ni Senador Gordon ang Nickel Asia, THPAL at ang lokal na pamahalaan ng Surigao dahil sa tulong na kanilang ipinagkaloob upang maisakatuparan ang nasabing proyekto. “Malaki ang aming pasasalamat sa lokal na pamahalaan, sa Nickel Asia at sa THPAL dahil kung hindi dahil sa kanila, hindi naitayo ang ating Molecular Test Laboratory na kauna-unahan sa lalawigan,” ayon sa senador.
Aniya, ang Molecular Test Laboratory ay mayroong 42 testing machines na mabilis na makapagsusuri hindi lamang sa mga COVID-19 patients kundi maging sa mga nagkaroon ng mga sakit tulad ng HIV, Leukemia, at iba’t ibanguri ng cancer.
Idinagdag pa ni Gordon na ang MTL sa Surigao ay simula pa lamang dahil balak ng Red Cross na makapagpatayo ng ganitong laboratoryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Siniguro rin ni Gordon na ang bagong laboratoryong ito ay makakatulong para mapabilis ang pagsusuri sa iba’t ibang uri ng sakit lalo na sa panahon ng pandemiya.
Ipinaliwanag pa ng senador ang Red Cross MTL ay may kakayahang magproseso ng 2,000 specimen kada araw gamit ang reverse transcript-polymerase chain reaction (RT-PCR).
“Ito ay magbibigay ng mas mabilis na diagnostic results ng mga hinihinalang COVID-19 cases at mapapabuti nito ang pagtugon ng lalawigan sa banta ng virus.
Kinumpirma rin ni Gordon na sinimulan na rin ng Red Cross ang paggamit ng saliva testing para sa COVID-19 tracing.
“Umaasa tayo na ang ganitong uri ng pagsusuri ay maisagawa rin dito sa MTL sa lalong madaling panahon,” dagdag ng senador.
Ayon pa kay Gordon, posible ring magsulong ang laboratoryo ng mga pananaliksik sa iba’t ibang uri ng virus at sakit.
Malaki rin ang pasasalamat ni Surigao del Norte Vice Governor Geed Gokiangkee, na kumatawan kay Governor Francisco “Lalo” Matugas sa isinagawang pagpapasinaya, sa mga mining company dahil sa tulong na ibinigay para maitayo ang MTL sa kanilang lalawigan.
“Isa itong magandang regalo para sa mga residente ng lalawigan at malaki ang maitutulong nito para masuri ang Covid-19 patients,” ayon pa kay Gokiangkee.
Dahil aniya sa laboratoryo, magiging mabilis na ang pagtugon ng lalawigan sa mga kaso ng COVID.
Ang MTL ay matatagpuan sa Barangay Bonifacio sa Surigao City at inaasahang magbibigay ng epektibong suporta sa Red Cross chapters sa Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Kasama rin sa nagpasinaya si Jose Bayani “JB” Baylon, na siyang Vice President for Corporate Communication ng NAC.
Ayon kay Baylon, patuloy ang pagbibigay ng tulong ng NAC affiliates sa mga komunidad lalo na sa mga naapektuhan ng pandemic.