Isang libong iba’t ibang uri ng punong-kahoy ang itinanim ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC) sa watershed area ng Kapangyan Falls sa Barangay Malihud, Bataraza.
Isang libong iba’t ibang uri ng punong-kahoy ang itinanim ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC) sa watershed area ng Kapangyan Falls sa Barangay Malihud, Bataraza.
Ang pagtatanim ng punong-kahoy ay bilang bahagi pa rin ng programang isinusulong ng RTNMC na “5 Million Trees for Palawan” na inaasahang makukumpleto sa taong ito.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng RTNMC bilang pakikibahagi ng kompanya sa 57th Founding Anniversary ng nasabing bayan.
Katuwang ng RTNMC sa pagtatanim ang Local Government Unit (LGU), komunidad ng Brgy. Malihud, Department of Environment and Natural Resources-CENRO-Brooke’s Point at ilang pribadong grupo.
Sama-samang nagtanim ang mga empleyado ng RTNMC at ng lokal na pamahalaan ng Bataraza ng mga seedlings ng Ipil, Kupang, Iron Wood, Narra at Paringring sa mismong watershed area.
Ayon kay RTNMC community relations manager Reynaldo dela Rosa, napakahalaga ng kanilang partisipasyon sa kaarawan ng Bataraza upang maipakita ng kompanya ang adbokasiyang hindi lamang sila nagmimina kundi nagtatanim din ng punong kahoy.
“Ito’y bilang pagsunod din sa itinakda ng batas na kailangang ibalik sa dating anyo ang lugar na pinagminahan at maipakita ang responsableng pagmimina,” ayon kay dela Rosa.
Dagdag niya, layunin din ng RTNMC na ang limang milyong puno para sa lalawigan ng Palawan ay maging isang legacy na maiiwan ng kompanya sa mga Palaweño upang ipakita na mahalaga pa rin ang pag-iingat at pangangalaga sa kalikasan.
“Ipagmamalaki natin ang magandang partnership ng pamahalaan sa atin, sa RTNMC para sa target natin to complete 5 million surviving trees sa Palawan. Ang itinanim natin dito ay babalikan natin sa mga susunod na buwan sa tulong ng monitoring ng ating CENRO at MENRO,” pahayag ni Dela Rosa.
“Hindi lang po Bataraza kundi buong Palawan ay tataniman natin para makumpleto po ang surviving trees na kailangan natin. Kahit nasa larangan kami ng pagmimina, maipagmamalaki namin na kaya nating magtanim dahil sa ito sa mga Social Development Management Program ni RTNMC,” dagdag niya.
Simula noong taong 1998, nakapagtanim na ang RTNMC ng humigit-kumulang 4.1 million surviving trees at inaasahang makokompleto ang target nitong limang milyogn puno ngayong taon.
Ayon kay Fe Alvarez, isa sa mga residente ng Bataraza, malaking tulong ang programang ito ng RTNMC para mapreserba ang kalikasan sa kanilang pamayanan.
“Kailangang pangalaagan ang ating kalikasan at katuwang natin sa gawaing ito ang RTNMC, kaya marapat lamang silang pasalamatan,” dagdag pa ni Alvarez.
Umaasa rin siya na ipagpapatuloy pa ng kompanya ang kanilang hakbangin para mapangalagaan ang kalikasan hindi lamang sa Bataraza kundi sa iba pang bahagi ng lalawigan.