Totoo nga bang nagiging ugat ng kahirapan ang pagmimina?
Totoo nga bang nagiging ugat ng kahirapan ang pagmimina?
Ang katanungang ito ay madalas nagiging tampok ng debate dahil na rin sa mga maling palagay at haka-haka laban sa pagmimina ng mga grupong simula’t sapul ay kontra na sa mina.
Mismong si Environment and Natural Resources Secretary Regina Paz Lopez, na hayagang kumukontra sa mining, ang nagsabing mahihirap ang mga tao sa mga lugar kung saan mayroong pagmimina.
Subalit ang pananaw na ito ng kalihim ay tahasang pinasinungalingan mismo ng mga taong nabiyayaan at natulungan ng pagmimina.
Partikular na nagpatotoo sa kahalagahan at kabutihang naidudulot ng pagmimina sa mga komunidad ay ang mga kabataan mula sa Manicani Island, sa Guiuan, Eastern Samar, kung saan minsan ding nagkaroon ng operasyon ang Hinatuan Mining Corporation (HMC).
Bagama’t hindi pa nagpapatuloy ang operasyon ng HMC sa Manicani, hindi na ito nagdalawang-isip na tulungan ang mga residente sa isla.
Katunayan, halos 500 residente ng isla ang nabigyan ng trabaho at hanapbuhay ng payagan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang HMC na alisin ang stockpiles na lubhang mapanganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao.
Maliban sa hanapbuhay, marami sa mga kabataan sa isla ang binigyan din ng tulong pinansiyal ng HMC para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng scholarship program ng kompanya.
Ayon kay Amor Celis, ang kanilang pamilya ay umaasa sa mina dahil ito ang nagbibigay sa kanila ng kabuhayan.
“Sa iba hindi nila lubusang nauunawaan ang mining, pero sa katulad namin, ako at ng pamilya ko ay dumedepende ang ikinabubuhay sa minahan, kaya malaking tulong poi to sa amin,” ayon kay Amor.
Hindi lamang nagbibigay ng kabuhayan ang mina sa pamilya ni Amor kundi tinutustusan din nito ang kaniyang mga gastusin sa pag-aaral.
“Para po sa akin, malaki ang naitutulong ng mining tulad ko po, napag-aaral ako ng mining. Malaking tulong po sa aking pag- aaral ang mining na silang sumasagot o nag-tutustos sa aking pag aaral, kaya nagpapasalamat po ako sa kanila,” dagdag pa ni Amor.
Para naman kay Alyza Mae Cometa, nakakalungkot isipin at may mga taong sarado ang isipan sa mga bagay na akala nila ay mali tulad ng pagmimina.
Tulad ni Amor, malaki rin ang pasasalamat ni Alyza Mae sa HMC dahil sa naitulong nito sa kanya at sa kaniyang pamilya.
“Malaki ang naitutulong sa amin ng minahan dito sa isla dahil lahat kami ay nakakapag-aral at ang aking pamilya ay may trabaho po,” ayon pa kay Alyza Mae.
Sakaling tuluyang matigil ang pagmimina sa Manicani, sinabi ni Alyza Mae na “hindi namin alam ang gagawin sakaling mawala ang mina na siya talagang ikinabubuhay o pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao.”
Malaki rin ang pasasalamat ni Rachel Abuda sa HMC dahil sa walang-sawang pagtulong nito sa kanilang pamilya at sa iba pang tao sa Manicani.
“Malaki po ang tulong ng HMC sa aming pamilya at sa pag aaral ko, dahil sa kanila nakakapag-aral po ako at nasusuportahan po maging ang aming pamilya,” ayon pa kay Rachel.
Ayon naman kay Mhey Nadonga, ang pangingisda at pagsasaka ang karaniwang ikinabubuhay ng mga tao sa isla.
“Subalit hirap din po ang pangingisda sa ngayon kasi wala na ring makuhang isda bunsod ng pagiging talamak ng illegal fishing sa amin kaya marami na ang tumigil sa pangingisda,” ayon kay Mhey.
Hindi rin aniya maganda ang lupain sa Manicani kung kaya’t hindi akma ang agrikultura o pagsasaka sa isla kung kaya’t napipilitan na rin ang maraming umalis ng isla para maghanap ng trabaho sa malayong lugar.
Ayon kay Mhey, nang dahil sa HMC, maraming buhay ang nasagip sa kahirapan.
“Kaya laking pasasalamat din at sinagip kami ng HMC sa tiyak na kahirapan,” ayon pa kay Mhey.
Sang-ayon din si Charlene Mae Aseyo sa sinabi ni Mhey na mahirap ang pamumuhay sa isla dahil sa limitado ang trabaho at hanapbuhay.
“Sa totoo lang po mahirap mamuhay sa isla lalo na at limitado ang trabaho kaya isang malaking pag asa saming lahat dito lalo na din sa mga kabataan na mabigyan ng pantay na oportunidad dahil di biro po ang mamuhay sa isla,” ayon pa kay Charlene Mae.
Isa si Charlene Mae sa mga nagpapasalamat sa HMC dahil sa pagbibigay ng trabaho at pagbibigay prayoridad sa kanilang mga kabataan.
“Mahirap maging sarado ang pag-iisip lalo na at hindi nakikita ng ibang tao kung paano kami natutulungan ng mining sa pang-araw araw po naming pamumuhay,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Maria Teresa Abucejo na tiyak maraming kabataan ang mapipilitang tumigil sa kanilang pag-aaral kung tuluyang matigil ang pagtatanggal ng stockpile ng HMC.
“Tanging ang Hinatuan Mining po ang nagbigay ng trabaho sa mga tao dito at maging ang pamilya ko at nabibiyayaan ng kabuhayan ng dahil sa mining,” ayon kay Maria Teresa.
Dahil dito, umapela si Maria Teresa sa mga anti-mining group na maging bukas at isaalang-alang din ang kapakanan ng mga tao sa Manicani island.
“Hiling ko lang po na maging open ang ibang tao na huwag silang manghusga at alamin din ang kalagayan namin kung sakaling mawawala ang mining paano na kami at paano ang aming kabuhayan at pag-aaral?” ayon kay Maria Teresa.
Ang mga kabataang ito ay nagpapatotoo na hindi naman talaga masama ang pagmimina bagkus ay malaki pa ang naitutulong nito para maiangat ang pamumuhay ng mga tao.
Hindi lamang ang mga kabataang ito ang tumututol sa pahayag ni Lopez kundi maging ang ilang residente ng Manicani na matagal nang naninirahan sa isla.
Ayon kay Delfina Caliwan Bunol, 76 anyos, isang community volunteer mula sa Barangay Hamorawon, paano magdudulot ng kahirapan sa mga tao ang pagmimina gayung ito pa nga ang nagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.
Hindi lamang aniya hanapbuhay ang ipinagkakaloob ng pagmimina kundi ang iba pang tulong sa larangan ng edukasyon, kalusugan, imprastraktura, socio-sibiko at maraming iba pa.
Inihalimbawa ni Ginang Bunol ang HMC na bagama’t hindi pa nagsisimula ang operasyon ay Malaki na ang naitulong sa komunidad at sa mga mamamayan.
Lalong nakinabang ang mamamayan sa isla nang magsimula ang pag-aalis ng stockpile ng HMC na agad naming sinuspinde ng kasalukuyang pamunuan ng DENR.
“Ayoko po sanang mahinto ang pagtatanggal ng stockpile dahil maraming pamilya ang umaasa rito, marami ang nabibigyan ng hanapbuhay,” ayon pa kay Ginang Bunol.
Gayung natigil ang pagtatanggal ng stockpile, nangangamba si Ginang Bunol na maraming pamilya ang magugutom habang ang iba naman ay mapipilitang mapawalay sa kani-kanilang pamilya para lamang maghanap ng trabaho sa Maynila o sa ibang lugar.
“Andito na nga ang trabaho sa isla, pero kung tuluyang magsara ang HMC, wala ng ibang mapagkakakitaan ang mga tao kundi aalis sa isla at maghanap ng trabaho sa ibang lugar, tiyak mapapawalay sila sa kanilang pamilya,” ayon pa kay Ginang Bunol.
Maging ang Chamber of Mines of the Philippines (COMP), ang samahan ng mga kompanya ng pagmimina sa bansa, ay kontra sa pahayag ni Lopez.
Binigyang-diin ni COMP Executive Vice President Nelia Halcon na hindi ang mga minahan ang nagdudulot ng paghihirap ng mga tao dahil katunayan, tumutulong ang mga ito sa pagbibigay ng trabaho sa mga tao.
“We do not cause suffering in areas where we operate, contrary to Lopez’s belief. In fact, we ease such suffering by complementing the government’s delivery of social services and by implementing our environmental protection and enhancement programs,” ayon kay Halcon sa isang kalatas.
Batay sa datus mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), iginiit ng COMP na wala namang operasyon ng mina sa 10 pangunahing pinaka-mahihirap na probinsiya sa bansa.
Kabilang sa mga lalawigang ito ay ang Lanao del Sur na may 74.3-percent poverty rate, Sulu na may 65.7 porsiyento, Saranggani na may 61.7 porsiyento, Northern Samar na may 61.6 porsiyento.
Gayundin ang Maguindanao na may 59.4 porsiyento, Bukidnon na may 58.7 porsiyento, Sultan Kudarat na may 56.2 porsiyento, Zamboanga del Norte na may 56.1 porsiyento, Siquijor na may 55.2 porsiyento, at Agusan del Sur na may 54.8 porsiyento.
“None of these provinces play host to mining firms,” ayon sa COMP kasabay ng pagsasabing ang insidente ng kahirapan sa mga lugar kung saan may pagmimina ay napakababa. Kung kaya’t masasabi nating hindi totoo ang paniniwala ng kalihim ng DENR na ang pagmimina ang ugat ng kahirapan ng maraming tao sa lugar kung saan mayroong operasyon nito.
Tuluyan nang nabulag ang kalihim ng kaniyang paniniwalang masama ang pagmimina kung kaya’t marapat lamang na ito ay ipatigil.
Kung talagang patas lamang ang kalihim, makikita nito na maraming kompanya ang responsable na ibinabahagi ang kita mula sa pagmimina sa mga taong naninirahan kung saan sila may operasyon.
Hindi lamang sa aspeto ng buwis, kundi maging sa mga proyekto at programang pang-kaunlaran na ang mamamayan ang higit na nakikinabang.
Patunay nito ang Nickel Asia Corporation (NAC) at ang kaniyang mga affiliate company tulad ng HMC, Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC), Coral Bay Nickel Corporation (CBNC), Taganito Mining Corporation (TMC) at Cagdianao Mining Corporation (CMC).
Ang mga kompanyang ito ay hindi lamang nagbabayad ng malaking buwis sa pamahalaang nasyunal at lokal kundi marami rin silang mga programa at proyektong pinakikinabangan ng mga tao, hindi lamang noong simulang ipinatupad ang mga ito kundi maging sa hinaharap.