Nasungkit din ng Barangay Banaag ang matagal na nilang inaasam-asam na kampeonato sa isinagawang inter-barangay Basketball tournament sa Manicani Island
Sa wakas, nasungkit din ng Barangay Banaag ang matagal na nilang inaasam-asam na kampeonato sa isinagawang inter-barangay Basketball tournament sa Manicani Island, Guiuan, Eastern Samar noong May 28.
Sa pagkapanalong ito ng Barangay Banaag, magkakaroon na rin ng covered court ang kanilang lugar. Tanging ang Banaag na lamang ang walang covered court sa apat na barangay ng Manicani.
Maliban sa covered court, nakatanggap din ang Barangay Banaag ng P100,000 cash prize na kanilang magagamit sa iba pang pangangailangan ng komunidad.
Ang Basketball tournament, na inorganisa ng Nickel Asia Corporation-Hinatuan Mining Corporation (NAC-HMC), ay naglalayong palakasin ang pagkakabuklod-buklod at samahan ng mga residente sa apat na barangay sa pamamagitan ng sports.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga residente ng Barangay Banaag sa pagkapanalo ng kanilang koponan dahil malaki ang maitutulong nito para makapagpatayo na sila ng covered court.
Ayon kay Francis Nino Malones, Community Relations Officer ng NAC-HMC, malaki ang kanilang magiging pakinabang sa covered court dahil kanila itong magagamit sa iba’t ibang okasyon.
“Hindi lamang para sa paglalaro ng basketball ang covered court kundi ginagamit din ito ng mga residente sa mahahalaga nilang aktibidad,” ayon pa kay Malones.
Pumangalawa naman ang Barangay Hamorawon na nakatanggap ng P75,000; Pangatlo ang Barangay Buenavista na may P50,000 at Barangay San Jose na nakatanggap ng P25,000.
Itinanghal namang Most Valuable Player (MVP) si Rommel Raganas na nagpapasalamat sa nag-organisa ng palarong ito na labis na nagbigay inspirasyon at tulong sa kanilang mga kabataan.
“Ang proyektong ito ng HMC ay malaking tulong hindi lamang sa komunidad maging sa mga kabataan na gusto pang matuto sa larong basketball, isang malaking oportunidad na mabigyan pansin ang aming talento lalo na sa larangan ng basketball,” ayon kay Raganas.