News

Doktor, gamot hiling sa HMC sakaling magbukas muli ang mina sa Manicani

Kung siya raw ang tatanungin at masusunod ay ayaw sana ni Kapitana Gloria R. Arceño na maging punong barangay dahil mahirap itong trabaho.

Pero alam na alam ni Arceño, mas kilala bilang Kapitana o Kap Lolly ang kailangan ng kanyang barangay.

Sa katotohan lang, mataas ang pangarap niya para sa kinabukasan ng kanyang nasasakupan at kahit maliit lang ang Barangay San Jose sa isla ng Manicani, matayog ang pananaw ni Kapitana.

Kayang-kayang ilitanya ni Kapitana Lolly ang mga pangarap niya sa kahit sino pa na handang makinig sa kanya kabilang ditto ang mas mataas sanang Internal Revenue Allotment (IRA), solid waste management system, full electrification sa barangay at level-3 water system.

Para kay Kap Lolly ang mga nabanggit ay basic services na karapatang makamtan hindi lang ng kanyang barangay kundi ng lahat na barangay.

Hangad din ni Kapitana na maging kongkreto na ang lahat ng kalsada ng kanyang barangay at matapos na ang kabuuan ng sea wall na naumpisahang itayo para naman sa proteksyon ng mga bahay na nasa baybaying dagat.

At kung mamarapatin pa ng pagkakataon, gusto sana ni Kapitana ng bagong cultural stage.

Pero igigit pa rin ni Kap na hindi madali ang responsibilidad na nakapataw sa kanyang mga balikat kaya ayaw niya sana.

Noong ang asawa nya ang barangay captain masaya na siya na nasa likuran at sumusuporta lamang. Pero noong nag-graduate sa posisyon ang asawa ay napilitan siyang tumakbo para maipagpatuloy ang serbisyo ng kaniyang mister.

Ang ipinipilit pa rin ni Kapitana, mahirap maging lider ng barangay dahil buong buhay mo ang iaalay mo sa pagseserbisyo na kung siya ang tatanungin ay isang malaking sakripisyo. Para sa kanya, hindi madali.

Mas gusto daw sana niyang mag-asikaso lang ng kanyang pamilya at mag-intindi ng kanyang tindahan.

Bilang punong barangay dala-dala ng isang kapitan ang suliranin at intindihin ng bawat isa sa kanyang nasasakupan.

“Pag may lumapit sayo, hindi ka pwede humindi o tumanggi dahil trabaho mo na asikasuhin sila,” pahayag nya.

Ang pinakamahirap pa ay kapag may-sakit ang lumalapit. Pati raw sa kanyang pagtulog ay inaalala niya ang pwedeng solusyon lalo at walang doktor sa isla at kadalasan ay walang pera ang pasyente.

Kaya isa ito sa hiling nya sa Hinatuan Mining Corp., na sana sa pagsisimula muli ng operasyon ng mina ay unahin ang tulong sa komunidad na magkaroon na ng doktor at mga gamot sa isla.

Pero kahit anong giit ni Kapitana Lolly na ayaw niya ang pulitika alam na alam niya ang kailangang gawin para umasenso ang barangay San Jose.

“Dapat magkatrabaho ang lahat ng may kakayahang magtrabaho dito sa Manicani; at dapat umusad na ang ekonomiya sa isla dahil sa ganitong paraan lang masisiguro ang magandang bukas ng lahat lalung-lalo na ang kabataan,” ayon pa kay Kapitana Lolly.

Share this article