Hindi lamang malinis at murang tubig ang kaloob ng kauna-unahang water refilling station sa Barangay Culandanum, Bataraza, Palawan kundi maging kabuhayan din sa mga residente.
Hindi lamang malinis at murang tubig ang kaloob ng kauna-unahang water refilling station sa Barangay Culandanum, Bataraza, Palawan kundi maging kabuhayan din sa mga residente.
Ito’y matapos pasinayaan kamakailan ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC) at ng lokal na pamahalaan ng Barangay Culandanum ang nasabing water refilling station na may layuning makapaghatid ng ligtas, malinis at murang tubig na nagbibigay serbisyo sa 60 porsyento ng populasyon ng komunidad.
Tinatayang 700 kabahayan sa barangay ang inaasahang makikinabang sa nasabing proyektong nagkakahalaga ng P1 Milyon na pinondohan ng kompanyang RTNMC.
Ayon kay Barangay Captain Edmundo Oghayon, layunin ng proyektong magkaroon ng ligtas at malinis na inuming tubig ang mga residente ng kanilang komunidad.
Noong 1990s, nagkaroon ng diarrhea outbreak sa ilang sitio ng komunidad dahil sa kontaminadong tubig na nagresulta sa pagkaka-ospital ng 90 katao na na-admit sa RTNFI hospital.
Naniniwala si Oghayon na ang water refilling station ay isa sa solusyon ng diarrhea outbreak sa kanilang lugar.
“Masaya kaming mayroong mas malapit na mapagbibilhan at mapagkukunan ng ligtas, malinis at murang tubig sa Barangay Culandanum. Ito rin ay solusyon sa sakit na diarrhea na nangyari noong taong 1990s,“ pahayag ni Oghayon.
Maliban sa pagsu-supply ng malinis at murang inuming-tubig, inaasahan ding makakapagbigay ang water refilling station ng kabuhayan sa pamayanan.
At dahil ito ay negosyo ng komunidad, inaasahang ang proyekto ay makakatulong upang madagdagan ang kita ng komunidad, tumaas ang kita ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng buwis mula sa proyekto at higit sa lahat ay makakatulong na masolusyunan ang sakit na diarrhea na ilang taon nang naitala sa nasabing barangay.
Dagdag pa ni Oghayon, layunin din ng proyektong makatulong sa maliliit na negosyante at maging kaagapay sa pagyabong ng negosyo sa barangay.
“Idi-deliver ito sa mga tindahan sa barangay namin at maging sa karatig barangay dito. Ibi-benta namin ito ng mas mura upang maibenta nila sa ibang tao ng mas mura rin. Lalo na sa ating mga katutubo na halos walang mapagkunan ng malinis na tubig,” ayon pa kay Oghayon.
Ang proyekto ay mula sa Social Development and Management Program (SDMP) ng RTNMC. Ang SDMP ay mga programang pang-komunidad na may layuning makatulong sa pag-angat ng pamumuhay at sistema ng mga komunidad na malapit sa operasyon ng minahan.
Ayon naman kay Bong Dela Rosa, RTNMC Community Relations and External Admin Manager, ito talaga ang pinaka-layunin ng SDMP, ang makalikha ng mga proyektong pangkabuhayan na magiging kapaki-pakinabang sa mas matagal na panahon.
“This is the primary purpose of SDMP, bigyan sila ng kabuhayan para kahit wala ‘yong industriya ng pagmimina ay napalitan ito ng ibang kapaki-pakinabang na industriya,” dagdag pa ni Dela Rosa.
Ang pagpapatupad ng SDMP ay itinatakda ng Batas Pagmimina o ng Philippine Mining Act of 1995 (R.A 7942) alinsunod sa CDAO 2010-21.