“Kung may tiyaga, may nilaga.” Isang kasabihang naging gabay ko upang maabot ang aking pangarap.
“Kung may tiyaga, may nilaga.”
Isang kasabihang naging gabay ko upang maabot ang aking pangarap.
Ako ay isang katutubong Palaw’an na mula sa Brgy Iwahig. Minsan akong nangarap na makapagtapos ng aking pag aaral upang kahit paano ay maiangat ko ang aking pamilya sa kahirapan. Ngunit ang mga pangarap na ito ay tila kay hirap abutin.
Sa murang edad, ako ay katuwang na ng aking mga magulang sa mga gawaing bahay at bukid. Nagawang mamasukan upang may maipandagdag sa gastusin ng aming pamilya.
Hindi tulad ng ibang kabataang puno ng karangyaan sa buhay, ako ay namulat sa isang mahirap na daan upang maabot ang aking mga pangarap.
Ngunit sa kabila ng lahat ng mga pagsubok, ako ay naniniwalang darating din ang tamang panahon para sa akin at sa aking pamilya.
Isang pagkakataon ang dumating na nagpabago ng lahat. May pag-aalinlangan man, ito ay aking sinubukan.
Ako ay napagkalooban ng scholarship ng RTNMC at CBNC sa pamamagitan ng kanilang Social Development and Management Program (SDMP) na naging daan para makapag-aral ako ng libre mula elementarya hanggang kolehiyo.
Ang pagkakataong ito ang aking ginamit upang unti-unti kong maabot ang aking pangarap na makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa aking pamilya at mga kababayang katutubo.
Sa tulong ng mga taong nagtiwala sa aking kakayahan, sa kumpanyang CBNC at RTNMC na lubos na sumuporta sa aking pag-aaral at sa mga kaibigang itinuring akong pamilya, ako ay nakapagtapos sa kursong aking pinaglaanan ng apat na taong pag-aaral at ngayon ay isa ng lisensyadong nurse.
Ako ay nanumpa bilang isang bagong nurse noong nakaraang June 14, 2022.
Habang ako’y nanunumpa, nagbalik sa aking alaala ang lahat ng mga sakripisyo at paghihirap na aking pinagdaanan at nalampasan makamit lamang ang tagumpay na aking naabot ngayon.
Hindi naging madali ang landas na aking tinahak, ngunit hindi ito naging hadlang upang hindi ako magsumikap at sa halip ay ginamit ko itong inspirasyon.
Nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa pamunuan ng RTNMC at CBNC sa pagpapakita ng tunay na pagmamahal sa aming maralita. Isang responsableng kumpanyang sumusuporta sa pangarap ng mga tulad kong salat sa buhay.
Ganun din ang aking pasasalamat sa aking mga magulang na lubos ang pagtitiwala sa aking kakayahan, sa mga kaibigan at sa suporta ng aking barangay at kapitan.
Ako ay nagnanais na maibahagi ko ang aking kaalaman sa aking kababayan.
Kung papalarin at mabigyan ng pagkakataon, nanaisin kong magsilbi sa RTNFI Hospital upang mapaglingkuran ang kumpanyang nagtiwala sa akin at ang aking mga kabarangay.
Nais kong maging instrumento upang maipaabot ang tamang kaalaman at kahalagahan ng kalusugan sa aming pag-unlad bilang isang katutubo.
Nawa’y makapagbigay ako ng inspirasyon sa tulad kong salat ngunit may mga pangarap.
Alam kong may panibagong buhay at pagsubok pa akong haharapin. Sa tulong ng mga kaibigan at aking magulang, alam kong kakayanin ko ang mga hamong darating.
Sa IPDO, RTNMC at CBNC COMREL at pamunuan nito, maraming salamat sa inyo.
Makakaasa po kayong magsisilbi akong tulay upang lalong maintindihan ng aking mga kasamahang katutubo ang magandang naidulot ng responsableng minahan sa aming buhay lalo na sa akin.
Sisikapin ko pong maging mabuting ehemplo sa mga tulad kong may pangarap ngunit salat sa buhay.
Maraming salamat sa inyong lahat. Hindi ko kayang mabayaran ang inyong naitulong, ngunit nakakasigurado po kayong marami akong matutulungan sa tiwala at pagmamahal na naibigay ninyo sa akin.
Muli, maraming salamat sa inyong kabutihang loob. Pagpalain po kayo at nawa'y marami pa kayong matulungan.