Karamihan sa mga Katutubong naninirahan sa Dinapigue, Isabela ay mga Agta o mas kilala bilang mga Dumagat.
Karamihan sa mga Katutubong naninirahan sa Dinapigue, Isabela ay mga Agta o mas kilala bilang mga Dumagat.
Ang Dumagat ay nagmula sa salitang "rumakat", "lumakat" o "lumakad" na siyang nagpapatunay na ang mga katutubong ito ay naglakad lamang sa kanilang patungo sa Luzon.
At sila ay may maiitim na kulay, kulot na buhok at mabababa.
Ang mga katutubo natin sa Pilipinas ay may mga tradisyon at kulturang unti-unti nang nakakalimutan at hindi napapansin.
Kaya naman kada Agosto 9 ay idinadaos sa buong mundo ang Araw ng mga Katutubo.
Sa buwan din ng Agosto idinadaos ang Araw ng mga Katutubong Agta ng Dinapigue sa pangunguna at sa tulong ng Dinapigue Mining Corp. (DMC).
Sa Bayan ng Dinapigue, mayroong kinikilalang tatlong tribo ng mga Agta: Tribo ng Anggo, Tribo ng Digumased at Tribo ng Salulog.
Layunin ng Nickel Asia Corp.—Dinapigue Mining Corp. (NAC-DMC) na sa pagdaraos nito ay mapanatili at mapagyaman ang mga tradisyon at kultura ng mga Katutubong Dumagat.
Higit sa lahat maipamalas at maipakita sa mga hindi katutubo kung gaano kaganda ang tradisyon at kultura ng ating mga ninuno.
Sa pagsisimula ng gawain, makikita mo sa mga mata at mukha ng mga katutubong Agta ang pananabik at kaligayahan.
Sa panimulang bahagi ng programa, nagbigay ng mensahe si Imelda Dairo, isa sa mga IP Coordinator ng Munisipyo ng Dinapigue.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot niya ang labis na pasasalamat sa Dinapigue Mining Corp. dahil sa ginawang pagdaraos para sa mga katutubong Agta.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa Dinapigue Mining dahil nabigyan po ng pagkakataon ang mga katutubong Agta na magdiwang ng Araw ng mga Katutubo at maipakita ang kanilang mga tradisyon at kultura,” pagbabahagi ni Dairo.
Sa pagdaraos ng Araw ng mga katutubong Agta, ipinamalas nila ang husay nila sa pagsasayaw ng kanilang iba’t ibang tradisyonal na sayaw, pagtugtog ng kanilang mga tradisyonal na istrumento.
Tradisyonal na Sayaw
Ayon kay Grace Vetriolo IP Official, ang mga ipinakitang tradisyonal na sayaw ay naghahayag ng iba’t ibang paraan ng pagkuha ng pagkain ng mga Agta.
“Ang mga sayaw na pinamalas ng aking mga kapwa katutubo ay nagpapakita ng mga paraan ng pagkuha ng pagkain sa kabundukan at sa katubigan. Hindi lang po kasi kami umaasa sa bundok kundi sa mga yamang tubig din,” ayon kay Vetriolo.
Tradisyonal na Pagtugtog ng Tradsiyonal na Instrumento
Ipinaliwanag ni Donyor Adwan, isa sa mga katutubong Agta mula sa Tribo ng Digumased, na hindi basta basta ang pagtugtog ng mga tradisyunal na instrumento ng mga Agta.
“May dalawang instrumento ang mga Agta na kalimitang ginagamit—ito ang Gulo–gulo at Sabkal. Ang Sabkal ay tinutugtog ng kahit sinong katutubo, lalaki man o babae samantalang ang Gulo–gulo ay tinutugtog lamang ng mga kababaihan,” Ayon kay Adwan.
Sa pagtugtog ng Sabkal ng mga kalahok mula sa tribo ng Salulog, mayroon silang ibinabahaging awitin para sa DMC.
Ayon sa paliwanag ni nanay Neneng Almonte:“kami ay lubos na
nagpapasalamat sa minahan (Dinapigue Mining Corporation) dahil kami ay nakakatanggap ng mga benepisyo at naranasan namin ang ganitong kaligayahan.”
Maliban pa rito nagkaroon din ng paligsahan sa paggamit ng pana at sa paggawa ng apoy gamit ang kahoy lamang, ganun din pinamalas nila ang kanilang galing sa paggamit ng kadang–kadang at sa paghuli ng baboy.
Matapos ang mga kompetisyon at palaro, naghandog ng awitin si Daisy isang batang katutubo.
Pagkatapos nito, ang bawat isa ay naglagda sa Manifesto ng Pagkakasunduan ng mga Katutubong Agta at Dinapigue Mining Corp.
Nabigyan din ng regalo ang mga maswerteng nabunot sa raffle at nakatanggap ng papremyo ang mga nanalo sa kompetisyon at mga paligsahan.
Sa pagwawakas ng programa, labis-labis ang hiyawan ng mga katutubo nang magbigay ng pasasalamat ang kanilang pinaka-pinunong Ikalima si Gng. Josefa Vetriolo na kilala bilang si Dada Sefa.
“Nagpapasalamat po kami ng marami dahil ngayon lang po nangyari ang ganitong selebrasyon sa Bayan ng Dinapigue, kung saan ipinakita namin ang mga tradisyon at kultura naming mga katutubo. Kaya Mabuhay ang Dinapigue Mining Corp!” buong galak na pagbabahagi ni Dada Sefa.
Ayon sa Project Site Officer in Charge ng DMC na si Ginoong Romulo Subong, asahan na ang DMC ay malugod na susuporta sa pagpapanatili at pagpapayaman ng kultura at tradisyon ng mga katutubong Agta.
Ang pagdaos ng Araw ng mga Katutubo ay isinasagawa din sa iba’t ibang kompanya ng NAC sa buong Pilipinas: sa Rio Tuba Nickel Mining Corp. (RTNMC), Taganito Mining Corp (TMC), Cadianao Mining Corp. (CMC) at sa Hinatuan Mining Corp. (HMC).