Bilang bahagi ng responsableng pagmimina, pinalakas pa ng Cagdianao Mining Corporation (CMC) at ng Hinatuan Mining Corporation (HMC), kapwa operating companies ng Nickel Asia Corporation (NAC) ang pangangalaga sa kalikasan sa kanilang mga nasasakupang komunidad.

Bilang bahagi ng responsableng pagmimina, pinalakas pa ng Cagdianao Mining Corporation (CMC) at ng Hinatuan Mining Corporation (HMC), kapwa operating companies ng Nickel Asia Corporation (NAC) ang pangangalaga sa kalikasan sa kanilang mga nasasakupang komunidad.

Nagtutulungan ang CMC at HMC na kapwa may mining operation sa Surigao del Norte para sa pangangalaga ng kalikasan lalong-lalo na ng karagatan.

Ang CMC ay may mining operation sa Cagdianao, Dinagat Islands habang ang HMC naman ay may operasyon sa Barangay Talavera, Hinatuan Island.

Sa panig ng CMC, sinabi ni Esequio V. Hataas Jr., isang marine biologist ng CMC na bilang pagpapatunay na seryoso ang kompanya sa pangangalaga ng kalikasan, matagal na nitong ipinatutupad ang Environment Protection and Enhancement Program (EPEP).

Maliban sa EPEP, ipinatutupad din aniya ng NAC-CMC ang Coastal Resource Management Program (CRMP) kung saan masusi nilang sinusubaybayan at binabantayan ang Marine Protected Area ng Cagdianao Islands—ang Gaas Bay.

“Itinuturing na isang Marine Protected Area ang Gaas Bay kaya sobra namin itong pinu-protektahan kung saan mino-monitor namin ang status ng mga isda, mga coral reef at conservation nito,” ayon kay Hataas.

Bilang isang Marine Biologist ng CMC, pangunahing tungkulin niya ang pag-monitor at pagpapatupad ng mga programang makakatulong sa komunidad at sa Marine Protected Area ng Cagdianao.

Ang pangangalaga ng Marine Protected Area ng NAC-CMC ay sa pakikipagtulungan ng local government unit (LGU), at Barangay Local Government Unit (BLGU) at ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Environment Management Bureau (EMB), at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Mayroon din silang isinasagawang Annual Marine Assessment na kung saan ay nakasaad ang mga teknikal na pamamaraan at pangangalaga sa karagatan, at mayroon ding quarterly monitoring report na isinusumite sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).

Ang Annual Marine Assessment ay binubuo ng iba’t ibang assessment sa coral reef kung saan kanilang minu-monitor nila ang kondisyon ng coral reef kung may insidente ba ng pagkasira sa mga ito.

Bilang pagpreserba sa yamang-dagat, pinararami rin ng NAC-CMC ang isda ng Gaas Bay.

“We are also doing fish population, but for fish population, we have different method, which is the aquaculture it is a different approach, we are also looking for the status of fish because it is also a fishing ground,” dagdag niya.

Para lalong dumami ang isda sa Gaas Bay, patuloy ang pagtatanim ng NAC-CMC ng Mangrove sa baybayin nito na nagsisilbing tirahan ng mga isda at iba pang species.

“Patuloy ang aming Mangrove Plantation at iyong mga Mangrove na maganda ang kondisyon ay inaalagaan namin. Kung Mangrove lang ang tumutubo sa isang lugar, dapat iyon lang ang itatanim at wala ng iba pa,” ayon kay Hataas.

Kasama rin sa mga proyektong ipinatutupad ng NAC-CMC ay ang Reef Restoration Project kung saan may mga ginawa na silang artificial reef.

“Talagang nakikita namin na nasisira ang mga weeds lalo na kapag panahon ng Amihan. Bagama’t bumabalik naman sa dati nilang anyo ang mga ito, bibilang tayo ng taon bago mabuo sila sa dati kung kaya’t kailangan ng atensyon at pangangalaga ng mga ito,” anito.

Isang malaking parte rin aniya ng pagkasira ng mga coral reef ang kawalan ng impormasyon ng mga mamamayan, at ito ang isa sa kaniyang layunin na tulungan at magbigay ng tamang impormasyon sa pangangalaga ng karagatan at ng mga coral reef.

“Tinuturo ko rin sa mga tao ang proseso ng pangangalaga ng coral reef lalo na kapag na de detach ang coral at ito ay sa paraan ng propagation o terrestrial plant process na pwedeng ilagay sa isang lugar na kusa itong lalaki,” ayon pa sa marine biologist.

Upang lalong maging epektibo ang pangangalaga sa kalikasan, hangad din ng NAC-CMC ang pakikipagtulungan ng mamamayan kung kaya’t nagkakaroon ng information campaign ang kompanya hinggil sa kung paano mapapangalagaan ang kalikasan.

“Bahagi rin ng trabaho ko bilang marine biologist ay hindi lang naka-pokus sa mga isda o karagatan kundi pagbabahagi rin sa komunidad ng ibang teknolohiya o ideya para sa conservation, pagbibigay rin ng kalagayan ng mga isda at coral reef ng sa ganun ay maging bukas ang kamalayan ng mga tao sa kalagayan ng ating karagatan,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa kaniya: “isang malaking bagay para sa akin at sa mga tao na magkaroon ng kaalaman kung ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang Marine Protected Area sa kanilang lugar.”

Kabilang rin sa mahalagang responsibilidad ni Hataas na hikayatin ang mamamayan na muling makisapi sa mga proyektong pangkalikasan na ipinatutupad at ipatutupad pa ng kompanya.

Isa nga sa matagumpay na proyekto ng NAC-CMC kung saan maraming residente ang nakikiisa ay ang Coastal Clean Up.

“Makikita talaga natin ang kagustuhan ng mga tao na makiisa sa proyektong ito. Malaking hamon para sa akin bilang isang marine biologist na pagtibayin ang proyektong isinusulong ng kompanya, hindi lang para sa kapakanan ng mamamayan bagkus ng ating karagatan. At bilang isang empleyado, tungkulin kong ibahagi ang aking nalalaman sa mamamayan ng Cagdianao,” ani Hataas.

Malaking tulong din aniya talaga ang mga mamamayan ng Cagdianao sa pakikiisa sa mga programang ipinatutupad ng kompaniya.

“Hinihikayat din namin ang mga kabataan, lalo na ang mga mag-aaral dahil sila rin ang may malaking kontribusyon sa kalikasan at makapagpapatuloy ng aming magagandang proyekto,” ayon pa dito.

Isang malaking hamon para sa mga marine biologist tulad ni Hataas ay ang illegal fishing sa Gaas Bay.

Dahil dito, bumuo ng Bantay Dagat ang kompanya na nangangalaga at nagpapatrolya sa mahigit 80 ektarya ng karagatan. Dalawa ang nagpapatrolya sa umaga at anim sa gabi, sila rin ang nangangasiwa sa sitwasyon o kondisyon ng dagat na sakaling may mga ulat ng mga illegal fishing.

Sa panig naman ng HMC, sinabi ni Phoebe Jean Gayanelo Alac, marine biologist ng HMC na tungkulin din ng kompanya na pangalagaan ang yamang dagat.

Katunayan, noong Mayo kung kalian ginaganap ang “Month of the Ocean,” nagsagawa ang ang kompanya sa pangunguna ng grupo ni Phoebe ng Coastal Clean-Up.

Tumulong din aniya sa programang ito ang mga volunteer mula sa private sector at gobyerno na dinaluhan din ng ilang kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Lahat ay nagtulong-tulong sa programang ito na naglalayong mapangalagaan ang kalikasan,” ayon kay Alac.

Naglungsad din aniya ang HMC ng “Scubasurero” na kanilang ipinatupad sa Barangay Talavera kung saan ito ay nilahukan ng mga iba’t ibang sector ng lipunan.

Layunin ng programa na mapalawak pa ang kaalaman ng mga tao hinggil sa wastong pangangalaga at pamamaraan ng pagpapanatiling malinis at paglinis ng karagatan.

“Taong 2012 noong kami ay bumalik upang bisitahin ang lugar sa Sitio Campandan na kung saan kami ang unang nag-scubasurero at doon ay nakita namin ang malaking pagbabago sa dagat, kung dati ay marumi at puro basura, ngayon makikita mo ang malaking pagbabago sa paligid at dagat,” ayon pa sa kanya.

Sa pakikiisa ng komunidad ng Talavera, ay unti-unting nagkaroon ng pagbabago sa karagatan kung saan nawala na ang mga basura.

“Sila mismo ay hinihikayat din naming mag-scuba nang sa gayun ay makita nila ang kagandahan ng dagat at malaman nila ang importansya ng pagkakaroon ng maayos at magandang dagat,” dagdag pa ni Alac.

Kabilang sa mga nakiisa sa proyektong ito ay ang tatlong opisyal ng Barangay na nakita ang kagandahan ng coral reef at sila mismo ay natuto rin mag scuba diving.

Malaking bagay aniya ang pakikisama ng mga tao o ng komunidad sa bawat proyektong kanilang ginagawa, sumasalamin ito ng pagkakaroon ng maayos at makabuluhang programa ng kompanya.

Naging malaking tulong din aniya ang mga barangay sa pagpapatupad ng Solid Waste Management sa kanilang lugar.

Habang papalapit na ang pinal na mine rehabilitation ng HMC, sinabi ni Alac na target ng kompanya na maging Marine Ecotourism hotspot ang isla ng Hinatuan.

Ang ginagawa ng CMC at HMC sa pangangalaga ng kalikasan

at karagatan ay patunay lamang na seryoso ang dalawang kompanya sa

pagpapatupad ng responsableng pagmimina dahil hindi lamang ang komunidad

ang nakikinabang sa mga biyaya ng mina kundi maging ang ating kalikasan

din.

Share this article