Naging makulay ang pagdiriwang ng ika-57 kaarawan ni Dinapigue, Isabela Mayor Reynaldo M. Derije noong Uktubre 27.
Naging makulay ang pagdiriwang ng ika-57 kaarawan ni Dinapigue, Isabela Mayor Reynaldo M. Derije noong Uktubre 27.
Ito’y matapos makisaya ang mga sikat na PBA (Philippine Basketball Association) players na dinala ng Nickel Asia Corporation (NAC) at Dinapigue Mining Corporation (DMC).
Simula ng kanyang termino noong 2013, naging tradisyon na ng alkalde na sa tuwing ipagdiriwang ang kanyang kaarawan ay nagdaraos ito ng mass wedding, liga ng basketball at social night para sa mamamayan ng Dinapigue.
Subalit naging kakaiba ang selebrasyon sa taong ito dahil pinasaya ito ng mga panauhing pandangal—ang mga PBA player na sina Asi Taulava, Mark Macapagal at Gary David.
Ang pag-imbita kina Taulava, Macapagal at David ay ideya ni Digumased Barangay Captain Paul John Derije, anak ng alkalde.
“Gusto kong maiba naman sa birthday celebration ni daddy, yung extra special at siyempre para mas masaya ang mamamayan ng Dinapigue lalo na kapag nakalaro nila ang mga PBA players,” ayon kay Cap. Derije.
Napuno ang Municipal Gymnasium ng mga taga-suporta at fans ng tatlong PBA cagers at local players kung saan sumabak sila sa isang exhibition game.
Si Taulava ay sumama sa grupo ng mga local player habang sina Macapagal at David naman ay sumapi sa koponan ng DMC staff.
Naging kapana-panabik ang laro kung saan hindi magkumayaw ang mga manonood sa pagsisigaw at pagtitili.
Natapos ang laro sa napaka-dikit na laban sa iskor na 64–63 kung saan nanalo ang koponan ng DMC staff kasama sina Macapagal at David.
“Ang sarap po sa feeling na makalaro ang mga PBA players kasi parang nakapaglaro na rin kami sa Philippine Basketball League ng PBA at ako pa po ang winning shoot dahil ang score naming noon ay 63-63. Ang saya po nang araw na iyon, hindi lang po kaming mga manlalaro kundi lahat ng Dinapigueños na nanood,” ayon kay Alexander Imperial, isang warehouse attendant at residente ng Dinapigue.
Idinagdag pa ni Imperial na ang ganitong aktibidad ay nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan at nasasanay pa sila sa paglalaro ng basketball.
“Maganda po ito, na may napapanood kaming PBA players na naglalaro lalo na po para sa mga kabataan dahil ang hilig po naming Dinapigueños ay basketball. So, marami po ang na-iinspire na mag practice at maglaro pa ng basketball dahil nakita nila ang mga idol nila,” ayon pa kay Imperial.
Samantala, nagbigay naman ng wish sa alkalde ang kanyang maybahay na si Municipal Office Administrator Ruth Derije.
“Sana biyayaan siya ng Panginoon ng magandang pangangatawan at marami pang accomplishments para sa bayan upang marami ang matulungan,” ayon sa kanya.